Sa Likod ng Sablay: Mga Kuwento ng Paghihintay at Tagumpay

Isang lathalain na isinulat ni Ram T. Elpedes II

 

       Hindi madali ang manatili.

    Para sa marami, apat na taon ang inaasahang lakbayin sa pamantasan para marating ang dulo ng pagtatapos. Ngunit para sa ilan, ang apat na taon ay naging lima, anim, o higit pa, dahil sa iba’t ibang hamon na hindi naitala sa syllabi: pandemya, personal na laban, pinansyal na limitasyon, burnout, at ang tahimik na pakikipagsapalaran sa sarili. Hindi biro ang araw-araw na gisingin ang sarili sa gitna ng pagod na lampas sa makakaya, na parang walang katiyakan ang bukas. 

     Hindi madali ang manatili sa gitna ng mga semestre na ang enlistment na tila giyera ng pasensya at tiyagaan. Hindi madali ang manatili kapag balikat mo ang bumubuhat ng pangarap, hindi lang para sa sarili kung hindi para sa pamilyang tahimik na umaasa sa bawat hakbang. Hindi madali ang manatili kapag ang bawat taon ng pagkaantala ay tila hatol sa sarili, pakiramdam mo’y naiiwan ka sa biyahe ng mga kaibigan mong kasabayan at naiiwan ka ng pangarap na akala mo’y dapat nang natupad sa edad na tila mabilis lumilipas.

        Ngunit may mga taong piniling manatili sa gitna ng kawalang-kasiguraduhan.

   Ngayong Sablay 2025, hindi lahat ng inaasahan ang nagkaroon ng pagkakataong makatungtong sa entablado. May mga paa na sumuong muna sa maputik at mabatong daan ng kakapusan,sumalungat sa agos ng kawalang-katarungan sa lipunan, at tumahak at lumakbay sa disyerto ng kawalang-katiyakan. Hindi man naging madali ang kanilang landas, ang pagdating nila sa dulo ay patunay na may mga laban na hindi nasusukat sa bilis kung hindi sa tibay ng loob, sa pasensya, at sa lakas na bumangon muli tuwing umaga, kahit ilang ulit nang nadapa.

    Kilalanin natin ang mga nagpatunay na ang pagkaantala ay hindi kabawasan sa tagumpay–sina Felicia Ferraris at Sydney Canamo, ang mga kaibigan kong nakamit ang sablay noong ika-6 ng Hulyo, 2025 sa UP Diliman. 

 

Ang paglalakbay nina Felicia at Sydney

    Nagtapos ngayong taong 2025 sina Felicia Ferraris at Sydney Canamo mula sa programang Communication Research sa Kolehiyo ng Midya at Komunikasyon. Limang taon sa UP si Felicia, nagsimula sa UP Baguio sa gitna ng pandemya. Mula pa lamang sa unang hakbang niya, batid na niyang may kapalit ang pangarap niyang makalipat sa Diliman: mahabang paghihintay, pag-uulit ng ilang units, at pakikipagbuno sa sistema. Tinanggap niya noong una na madalas siyang magiging mag-isa. Inakalang mas matatag kapag hindi umaasa. Pinaniwalaang mas mabilis ang pagmartsa kapag walang hinihintay. Ngunit sa pananatili niya sa UP,  natutuhan niyang hindi ito totoo.

Felicia Ferraris (kaliwa) at Sydney Canamo (kanan)

     “Magkaiba pala ang independence sa isolation,” aniya. Natuklasan niyang ang tunay na tibay ay hindi sa kakayahang buhatin mag-isa ang bigat ng pangarap, kung hindi sa pagtanggap ng tulong mula sa mga orgmates, mga kaibigan, at mga taong handang sumabay sa’yo.

     Sa loob ng limang taon, siya rin ay nakikipag-patintero sa enlistment, umaasa sa slots, nagbabakasakali sa waitlist. Ngunit hindi siya bumitiw dahil para sa kanya, ang pagsablay ay hindi lang para sa sarili kung hindi “para sa lahat ng nagbigay lakas sa pamilya, sa mga orgmates, sa mga kaibigan, at sa sarili niyang piniling magpatuloy.”

     Ganoon din si Sydney Canamo. Anim na taon sa unibersidad, nagsimula sa UP Los Baños bago lumipat sa Diliman. Bitbit niya ang pangarap hindi lang para sa sarili kung hindi para sa mga taong naniniwala sa kanya.

     “Growth is not tied to a strict timeline,” ani Sydney. Dahil may mga leksyong hindi itinuturo sa silid-aralan mga aral na natutunan sa mga araw na gusto mo nang sumuko pero pinili mong bumangon.

     Ang pinakamalaking leksyon niya? “Join organizations.” Doon niya nahanap ang sarili, ang halaga ng serbisyo, at ang pagkakaibigang hindi bumibitiw.

     At sa pagtanaw sa kabuuan ng kanyang paglalakbay, isang simpleng katotohanan ang kanyang yakap: “You do not have to face college alone.”

     Kaya nang tanungin ko kung itinadhana ba ang pagkaantala: “Yes,” sagot niya, “dahil doon ko mas nakilala ang sarili ko, doon ako natutong magpatuloy kahit sa pinakamahirap na araw.”

 

Tunay na kahulugan ng pagtatapos

    Ang Sablay 2025 ay hindi lamang tungkol sa mga ngiti at palakpak na natamo ng mga nagsipagtapos. Pagbalik-tanaw ito sa mga luhang ibinuhos at pinagdaanang pagkahapo. Pagtanaw ito sa mga kamay na umakay sa atin sa mga panahong halos bumitiw na tayo. Ito ay pagpupugay sa mga kaibigang naghihintay, sa mga kapamilyang nanatili, at sa sarili nating patuloy na tumatawid sa gitna ng unos.

    Sa dulo ng napakahabang paglalakbay, higit nating tanawin ang mga bunga ng ating pag-abante, ang mga aral na natutuhan sa proseso, at ang mga sumama at tumulak sa atin sa pagpapatuloy sa paghakbang.

    Sa likod ng mga Sablay, nawa’y wala nang bibitbit ng kuwento ng pagkaantala at paghinto dulot ng mga sistematikong suliraning nagdudulot ng pakikipag-unahan sa slot, kawalan ng espasyo,mga  salat sa bilang ng mga guro, limitadong suporta sa pinansya, kalusugan, at kagalingan, at mga polisiyang tila nakakalimot sa tunay na diwa ng edukasyon bilang karapatan at hindi pribilehiyo.

   Pagsikapan at ipaglaban natin, mga kapwa iskolar ng bayan, na sa mga susunod na sablay—hindi na kabahagi ng mga kuwento nito ang mga suliraning hindi na dapat nararanasan sa panahong ito. Maging sagisag nawa ito ng tunay na makabayan, siyentipiko, at makamasang tagumpay.

 

 

Si Ram, mula sa DSCTA, ay student-intern ng OVCSA ngayong Midyear 2025.