Noong ika-16 ng Disyembre, idinaos sa University Food Service Mess Hall ang Gawad OVCSA ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral (OVCSA). Ito ay bahagi ng taunang year-end assessment kung saan ibinahagi ng mga yunit ng kanilang mga nagawa at nakamit na tagumpay sa nagdaang taon.

Lumahok sa seremonya ang pitong yunit ng OVCSA at ang kanilang mga direktor: Prop. Christine C. Hernandez ng Office of Scholarship and Grants, Prop. Ronahlee A. Asuncion ng Office of Student Housing, Prop. Jay-Ar M. Igno ng Office of Student Projects and Activities, Prop. Jaclyn Marie L. Cauyan ng Office of Counseling and Guidance, Atty. Alden Wilfredo Q. Lauzon ng Office of Student Ethics, Prop. Marie Grace Gomez ng Diliman Learning Resource Center, at Prop. April J. Perez ng University Food Service.

Kasama si Bise Tsanselor Prop. Jose Carlo G. de Pano, pinarangalan ng pinuno ng bawat yunit ang kanilang mga kawani bilang pagkilala sa lima (5), sampu (10), labing-lima (15), at dalampung (20) taon ng tapat at hindi matatawarang paglilingkod sa unibersidad. Sa kabuuan ay 173 na kawani mula sa iba’t ibang yunit, kabilang ang mga regular, UP contractual, non-UP contractual, at custodial workers ang kinilala. Ginawaran din ng posthumous award ang ilang kawani bilang pagpupugay sa kanilang naiambag na serbisyo.

Dumalo sa okasyon ang kasalukuyang mga kawani ng tanggapan, mga retirado, at pamilya ng mga dating empleyado na naging bahagi at patuloy na kabahagi ng makulay na kasaysayan ng tanggapan.

Sa pagtatapos ay taus-pusong nagpapasalamat ang OVCSA sa lahat ng kawani na bahagi ng pagtugon sa pangangailangan ng mga mag-aaral na siyang sentro ng tanggapan.