UPD Org Life at Culture, binigyan-pakahulugan sa Bigkisan 2025 Student Leadership Summit
ni Trizha Mae D. Pangilinan

 

Sa pangunguna ng Opisina ng Bise Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral (OVCSA) at ng Opisina ng mga Proyekto at Gawain ng mga Mag-aaral (OSPA), idinaos ang Bigkisan Student Leadership Summit 2025 noong ika-23 ng Abril sa SURP Training Hall, UP Diliman.

Tangan nito na may temang “Okay na ‘Toh: Redefining University Org Life and Culture,” nagsilbi ang programa bilang isang collaborative platform na tinipon ang mga lider-estudyante upang makiisa sa kritikal na usapin tungkol sa mental health, kultura ng organisasyon, at sostenibleng pamumuno. 

Binigyang-pansin nito mga best and worst practices sa pagsusulong ng mental health sa loob ng mga organisasyon, ang papel ng Filipino collectivism sa paghubog ng kultura ng mga organisasyon, at ang pagkuha sa tamang balanse ng org life at ng org work. Sa pamamagitan ng mga interactive session at workshop, nilalayon ng summit na ihanda ang mga organisasyong pangmag-aaral ng mga angkop na estratehiya upang makabuo ng matatag na kaligiran sa loob ng organisasyong kinabibilangan nila.

 “[S]ama-sama sana tayong magtulungan—magtulungan tayo upang buuin ang mas matatag at mas suportadong kultura sa ating mga organisasyon, kung saan bawat isa ay may espasyo at pagkakataon na mag-grow, hindi lang bilang lider, kundi bilang tao na may malasakit sa isa’t isa”, pagpapaalala ni Bb. Anna Lourdes R. Cruz, Mental Health Focal ng OVCSA sa kanyang espesyal na mensahe.


Bb. Anna Cruz

 

Ipinakilala si Bb. Meg Yarcia bilang unang tagapagsalita ng Bigkisan 2025, direktor ng Lemonade, isang mentorship program, at isang manunulat. Sa ilalim ng paksang best at worst practices ng mga organisasyon, tinalakay ni Bb. Yarcia ang kahalagahan ng collective care sa komunidad ng mga estudyante dahil ipinapakita nito ang kalakasan ng mga organisasyon bilang yunit na nangangalaga ang pangangailangang mental ng mga miyembro nito.

Bb. Meg Yarcia

 

“[C]ollective care—we need to create avenues for people to rest, [hone] their passion and share it with others. [Holding sessions] like Hingahan Friday where they just talk and the important thing is during these hingahan sessions, walang judgment, walang nagbibigay ng advice.”

 Nagsagawa ng mga yoga stretching at breathing exercise sa workshop nito bilang paalala na ang pangangalaga ng organisasyon ay nagsisimula sa pagkilala ng mga indibidwal na kalakasan ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagsuri ng mga bagay na wala o nasa kontrol nila.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang ilang lider-estudyante na magbigay ng reaksyon at magbahagi ng mga personal na karanasan mula sa naging daloy ng unang talakayan.

Kaya naman tayo bumubuo ng mga student organization, bukod sa magkakaparehas tayo [ng] interes ay gusto natin ng espasyo, gusto natin ng komunidad sa loob ng pamantasan. Form siya ng resistance. We should appreciate and we should [cultivate] more in our student formation and institutions. Tayo ay hindi lamang organizations na nagbubuklod lang dahil may pare-pareho tayong interest, nagbubuklod tayo dahil may gusto tayong itaguyod para sa ating mga personal na larangan, personal na vision for ourselves and community,” a ni Sean Kirby Latorre, Chairperson ng UP Diliman University Student Council. 

Sean Latorre (ikatlo mula kaliwa) at Hans Antojio (ikaapat mula kaliwa)

 

Bilang miyembro ng COPE UP na nangungunang organisasyong naglulunsad ng mga proyektong nakatuon sa pagsulong ng mas ingklusibong pangangalagang lusog-isip sa UP System, 

Binigyang diin ni Hans Matthew Antojio, kasalukuyang tagapangulo ng COPE UP, ang nangungunang organisasyong pangmag-aaral na naglulunsad ng mga proyekto sa lusog-isip, kahalagahan ng isang mapagkalingang komunidad. 

“Dala na rin siguro ng after ng pandemic na parang ang naging focus ng mental health ay very individualized. Kung titingnan natin, very intimate na ang pagtuon at pagturol sa usapin ng mental health at lusog-isip, na kumbaga, we care for ourselves, iniisip natin kung ano ba ang ginagawa natin. Pero mahalaga talaga ang presensya ng isang komunidad, mahalaga ang collective care dahil mula dito ay makikita natin ang iba’t ibang mga…dito makakapaggawa o makagaod tayo ng iba’t ibang program, at we can show up with each other. Maganda rin ang nabanggit na “a care practice that serves the people. At the end of the day, ang ginagawa naman talaga natin is to serve the people. Pagsilbihan ang masang Pilipino,” aniya. 

Ang pangalawang talakayan ay pinanunahan Prop. Jaclyn Marie Cauyan, direktor ng Office of Counseling and Guidance. Mula sa kanyang diskusyon, tinalakay ni Prop. Cauyan ang papel ng Filipino collectivism bilang value na humuhubog sa kasalukuyang gawi, polisiya, at proyekto ng mga organisasyon. Binigyang-diin niya na ang panawagan sa mga filipino student organization na, “there should be a balance between cultural values and changing trends [in leading and running an organization].

 

Prop. Jaclyn Cauyan

 

Si Prop. Jericho Daniel Igdanes, instruktor mula sa Department of Speech Communication and Theater Arts, ay naging tagapagsalita para sa panghuling talakayan. Mariing pinaalala ni Prop. Igdanes ang kahalagahan ng pagbabalanse ng mga gawain at ng buhay sa organisasyon. Ibinida ni Prop. Igdanes ang kaniyang personal na karanasan bilang dating BS Org, katawagang ibinabansag sa mga estudyanteng bahagi ng maraming organisasyon. Mula rito, ipinaalala ni Prop. Igdanes na, “It’s always good to rest. How will you enjoy your membership if you’re not there anymore? Kailangan magpahinga at alagaan ang sarili. That’s the only way you can enjoy your membership and be proud of your membership to your organization.

 

Prop. Jericho Igdanes

 

Bilang pagtatapos ng programa, inihayag ni Katuwang na Propesor Jay-Ar Igno, coordinator ng Opisina ng mga Proyekto at Gawain ng mga Mag-aaral (OSPA) ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa mga organisasyong nagpakita ng dedikasyon upang mas pagbutihin ang kulturang isinasapraktika ng bawat miyembro ng mga nito. Iginiit niya ang kahalagahan ng paglulunsad ng mga seminar-workshop tulad ng Bigkisan 2025 dahil binubuksan nito ang oportunidad upang magtulungan ang mga organisasyong pangmag-aaral na mapabuti ang kanilang sari-sariling inisyatibong panglusog-isip.

 

Prop. Jay-Ar Igno

 

Ang Bigkisan Student Leadership Summit 2025 ay dinaluhan ng 150 na lider-estudyante mula sa 81 na organisasyong pangmag-aaral.

*