Hindi maikakailang binago ng pandemya ang maraming gawi sa ating buhay, lalong-lalo na ang pakikipagkapwa. Ngunit sa kabila ng mga suliraning idinulot ng COVID-19, patuloy na naipamalas ng mga Pilipino ang pagbubuklod sa pamamagitan ng iba’t ibang porma ng bayanihan.

Noong nakaraang taon, isa ang Office of the Vice Chancellor for Student Affairs ng UP Diliman sa mga organisasyon at opisinang naglunsad ng mga programa para sa iba’t ibang sektor ng Unibersidad. Kaugnay nito, kinilala sa katatapos lamang na Parangal at Pagkilala sa mga Kawani at Retirado ang OVCSA at ang dalawa sa subunits nito—ang Office of Student Housing at University Food Service.

Halina at magbalik-tanaw sa mga programang inilunsad ng OVCSA kasama ang UP community upang tumugon sa hamon ng panahon!

Libreng Pagkain

Nang unang idineklara ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon noong Marso 2020, maraming mga mag-aaral ang humabol na makauwi sa kanilang mga probinsya at marami rin ang piniling manatili sa kanilang mga alternatibong tirahan sa mga dormitoryo, boarding house, at apartment sa loob at labas ng campus. Ngunit naging mahirap ang access nila sa pagkain dahil walang mga pampublikong sasakyan at maraming tindahan ang nagsara. Naging inisyatibo ng opisina, sa pangunguna ni dating Bise Tsanselor Jerwin Agpaoa, na maghatid ng pagkain sa kanila.

Sa inilabas na survey form ay natukoy ang mga estudyante sa Katipunan, Krus na Ligas, Maginhawa, UP Bliss, Pook Ricarte, Pook Palaris, Pook Dagohoy, Area 1 at 2, Village A at B na araw-araw hinatiran ng OVCSA ng tanghalian at hapunan. Ang mga nakatira naman malapit sa Tandang Sora at ilan pang mas malayo at liblib na bahay ay pinadalhan ng tig-dalawa o higit pang relief packs sapagkat hindi sila maisasama sa arawang hatiran dahil sa limitasyon sa lohistika.

Ang University Food Service (UFS) ang nagluluto ng mga masusustansyang pagkain mula sa mga kasangkapan na donasyon ng mga pribadong indibidwal at organisasyon, at kapag naibalot at naihanda na ang 177 na set ng kanin at ulam ay saka naman ito dadalhin ng OVCSA team sa mga nakatalagang istasyon o ihahatid nang door-to-door o kada building.

Bukod sa araw-araw na pagkain ay binigyan din sila ng relief packs na may lamang grocery items at hygiene kits na donasyon mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon, at maging ng ayuda mula sa Department of Social Work and Development (DSWD). Sa pamamagitan din ng binuong Facebook group ay nagkaroon ng network ang mga naturang mag-aaral upang magdamayan, at magtulungan sa panahon ng pandemya habang malayo sa kanilang mga pamilya. Rumesponde rin sa health emergencies ng mga miyembro nito ang OVCSA team.

Mula Abril 1 hanggang Mayo 15, 2020 na araw-araw (kabilang ang Sabado’t Linggo at holiday) na paghahatid ng pagkain ay nasa 267 na mga mag-aaral ang naserbisyuhan nito. Sila ay binubuo ng mga undergraduate, mga mag-aaral ng master’s at PhD, at Juris Doctor, mula sa iba’t ibang kolehiyo, at iba’t ibang kasarian.

Sa loob ng isa’t kalahating buwan na pagtakbo ng proyektong ito ay sinuong ng team ang pangamba na ma-expose sa COVID-19 virus, ang tirik ng araw at malakas na buhos ng ulan, ang pagbagtas sa mga pangunahing kalsada at pagsuyod sa mga eskenita, ang paghintay hanggang gabi sa UFS Cafe at pagbato ng pagkain sa kabilang banda ng subdivision gate gamit ang DIY pulley upang masigurong lahat ay makakain, ang pagtirik ng ginagamit na sasakyan sa kalsada ng Maginhawa sa gitna ng paghahatid ng pagkain, at maging pagmamadali sa delivery bago maabutan ng 8 n.g. na curfew. Lahat ng ito hindi lamang dahil sa ito ang tawag ng trabaho, kundi dahil may mga estudyanteng nangangailangan na dapat mahatiran ng tulong sa panahon ng pandemya.

Bayad na Pagkain

Matapos ang 15 Mayo 2020 ay naubos na mga donasyon na dumating sa UFS, dahilan upang ihinto na ang pamimigay ng mga libreng pagkain sa mga mag-aaral. Ngunit batid ng team na may ilan pa ring nahihirapan makalabas upang makabili ng kanilang mga pagkain kaya naman ay nag-alok ng panibagong serbisyo kung saan ay kinakailangang mag-pre-order at prepaid ng mga estudyante sa mga putaheng ibebenta ng UFS, at libre naman itong ihahatid ng OVCSA team. Nagtagal ang serbisyong ito nang dalawang linggo mula Mayo 18 – 22 kung saan 15 estudyante ang nagpa-deliver at sa Mayo 26 – 29 na 24 estudyante naman ang hinatiran ng masusustansyang pagkain.

Oplan Hatid

Bukod sa paninigurado na nakakain nang masusutansya ang mga na-istranded na dormers at boarders habang ECQ ay nagsagawa rin ang Opisina ng Bise-Tsanselor para sa mga Gawaing Pangmag-aaral, sa pangunguna ni Bise Tsanselor Agpaoa, ng Oplan Hatid. Naglayon ito na maihatid ang mga istranded na mag-aaral sa kanilang probinsya nang ligtas at ayon sa mga polisiya ng kanilang lungsod/munisipyo.

  1. Dahil sa mga quarantine restrictions, nakipag-ugnayan ang OVCSA sa iba’t-ibang Local Government Unit (LGU) upang masiguradong alam ang health at quaratine protocols ng mga lugar na uuwian ng mga mag-aaral. Naging tulay ang OVCSA sa komunikasyon ng LGU at ng mga mag-aaral. Sa pagdaan ng mga buwan at pagbabago ng health restrictions ay nag-iba ang anyo ng implementasyon ng programa:
  2. Nakipag-ugnayan ang OVCSA sa Philippine Army upang matulungan na makauwi ang mga mag-aaral na ang probinsya ay nasa Isla ng Luzon. Nagkaroon ng limang batches ang Oplan Hatid pauwi sa loob ng National Capital Region at Ilocos Region (Region I), Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley (Region II), at Bicol Region (Region V).Nakipag-ugnayan ang OVCSA sa mga LGU upang masundo nila ang kanilang mga constituent dito sa UP Diliman. Ang mga LGU na ito ay ang Baguio City, Tuguegarao City, Occidental at Oriental Mindoro, at Cavite.
  3. Nakipag-ugnayan ang OVCSA sa mga LGU sa Visayas at Mindanao. Ang mga mag-aaral ay naihatid sa NAIA kung saan sila ay aasikasuhin ng LGU para makasakay ng eroplano na in-arrange ng kanilang LGU. Ang mga LGU na ito ay Iloilo, Iloilo City, Cebu, Cebu City, Zamboanga Peninsula (Region IX), General Santos City, at Davao Region. Sa mga hatid sa NAIA ay humingi ng tulong ang OVCSA sa College of Human Kinetics na magamit ang kanilang bus bukod sa mga sasakyan ng OVCSA.
  4. Nang lumuwag ang restriksyon at pwede na ang pangkomersyal na byahe, ang naging layunin na ng program ay tulungan ang mga mag-aaral na makakuha ng dokumento na hinihingi ng kanilang LGU:
    a. Travel Authority – nakipag-ugnayan ang OVCSA sa NCR Police Office upang gawing online na lamang ang pagkuha ng Travel Authority kaysa gawin ito ng personal sa mga Police Station ng NCRPO.
    b. Medical Certificate – nakipag-ugnayan ang OVCSA sa University Health Service, Brgy. KNL at Brgy. UP Campus BHERT, at sa Quezon City Health Office, upang mabigyan ng medical certificate ang mga mag-aaral. Kung kinakailangan ay ihahatid at susunduin sila ng opisyal na tagapamaneho ng OVCSA upang ligtas na makuha nila ang mga dokumento.
    c. Negative COVID-19 Test – sa pangunguna ni Bise Tsanselor Louise Jashil Sonido ay nai-rerefer ang mga mag-aaral na kailangan ng swab test sa UHS ng walang bayad.Upang masigurado na walang karagdagang gastos ang mga mag-aaral sa paghingi ng tulong sa Oplan Hatid, sinigurado ng OVCSA na mabigyan sila ng kumpletong set ng pagkain (kasama snacks!) sa buong araw sa kanilang byahe.
  5. Upang masigurado na walang karagdagang gastos ang mga mag-aaral sa paghingi ng tulong sa Oplan Hatid, sinigurado ng OVCSA na mabigyan sila ng kumpletong set ng pagkain (kasama snacks!) sa buong araw sa kanilang byahe.
  6. Bukod sa mismong paghatid ng mga mag-aaral, isinigawa rin ng OVCSA at ng OSH ang paghahatid ng mga naiwang gamit ng mga mag-aaral na nakauwi na bago ang quarantine. Sinigurado ng OSH at ng mga dormitory personnel na naka-ayon ang pag-eempake ng mga gamit at pagpapadala nito sa mga mag-aaral sa data privacy at health protocols.

Sa kabuuan, ang Oplan Hatid ay nakatulong sa 336 na mag-aaral para makauwi sa kani-kanilang probinsya.

#TatagUP Donation Drive para sa Mag-aaral at/o kanilang Pamilya na Tinamaan ng COVID-19

Sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 positive sa bansa ay minabuti ng OVCSA, sa pangunguna ng kasalukuyang Bise Tsanselor Louise Jashil R. Sonido, na magsagawa ng donation drive para sa mga mag-aaral at/o kanilang pamilya na tinamaan ng COVID-19 sa kanilang tahanan. Sa kasalukuyan, 40 na mag-aaral na nag nakatanggap ng tulong mula sa OVCSA. Patuloy pa rin ang pagtanggap ng OVCSA upang makalikom ng halaga para sa mga mag-aaral na nangangailangan pa ng tulong.

Lubos na nagpapasalamat ang OVCSA sa lahat ng mga indibidwal at organisasyong nagbigay ng iba’t ibang porma ng tulong para sa ating komunidad!

UP Fight! Walang Iwanan!