Sulat ni: Riu Gabriel D. Rodriguez

Sa pagsisimula ng Linggo ng Parangal 2023, binigyang pugay ng unibersidad ang mga natatanging mag-aaral na nagtamo ng karangalan sa iba’t ibang larangan sa Parangal sa Mag-aaral 2023 na ginanap noong ika-20 ng Hunyo sa University Theater. 

Matapos ang dalawang taong online na programa dulot ng pandemya, muling ibinalik sa face-to-face ang taunang selebrasyon sa pangunguna ng Opisina ng Bise-Tsanselor para sa Gawaing Pangmag-aaral.

“Ang temang Tanaw ay nakatungtong sa kakayahan ninyo, mga Iskolar ng Bayan, na mahubog ang pananaw at bisyon para sa bansa at sangkatauhan habang patuloy na sinasariwa at hindi isinasantabi ang mga karanasan. Sa lahat sa atin dito sa Unibersidad ng Pilipinas, kayo ang maaaring makinabang nang husto sa masusi at makabuluhang pagtanaw sa hinaharap nating lahat sa konteksto ng mga nangyari sa atin nitong mga nakaraang taon,” sabi ni UPD Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II sa kaniyang pambungad na pananalita.

“Para sa akin, kayo ang dapat walang pangambahan. Sapagkat sa kabila ng hamon ng pandemya, giyera, at napakabilis na pagbabago ng ating buhay nitong huling mga taon, nagawa niyo pang magpakita ng kahusayan at galing na ating pararangalan ngayong hapon” dagdag pa nito. 

Tsanselor Edgardo Carlo L. Vistan II sa kaniyang Pambungad na Pananalita. Larawan mula sa Facebook livestream.

Ngayong taon, kinilala ang 9,026 na university scholars (US) para sa ikalawang semestre ng Akademikong Taon 2021-2022 at unang semestre ng Akademikong Taon 2022-2023. 1,729 sa kanila ay mula sa Arts and Sciences cluster, 1,684 mula sa Management and Economics cluster, 4,055 mula sa Science and Technology cluster, at 1,554 naman mula sa Social Sciences and Law cluster. Mapapabilang sa listahan ng mga US ang isang mag-aaral kung ang kaniyang general weighted average (GWA) ay hindi bababa sa 1.25 para sa graduwadong lebel o hindi bababa sa 1.45 para sa hindi graduwadong lebel. 

Pinarangalan din sa programa ang mga scholars mula sa Office for Initiatives in Culture and the Arts (OICA) tulad ng Visual Arts and Cultural Studies Scholarship (128), Performing Arts Scholarship Program (72), at Creative/Critical Thesis Grant in the Arts, Culture, and Humanities (6). Kasama rin sa mga pinarangalan ay ang mga mag-aaral na nagpamalas ng kahusayan sa kani kanilang mga Licensure Examinations (24), mga nanalo sa iba’t ibang national/international competitions pati na rin ang mga mag-aaral, propesor, at kawani na naglathala ng kanilang mga research (259), at mga mag-aaral na nagkamit ng tagumpay at kampeonato sa nakaraang season ng University Athletics Association of the Philippines (UAAP).

Kinilala rin sa taong ito ang anim na natatanging samahang mag-aaral sa iba’t ibang larangan: Edukasyon at Literasi, Kalikasan at Pangangasiwa sa Panganib ng mga Sakuna, Kalusugan at Isports, Kapayapaan at Kaunlaran sa Lipunan, at Sining at Kultura. Basahin ang kabuuang istorya sa link na ito: Anim na organisasyon, wagi sa Parangal sa Samahang Mag-aaral 2023 – UP Diliman Office of the Vice Chancellor for Student Affairs.

“Utak at Puso. Dangal at Husay. Laging magkatuwang ang mga ito. They reinforce each other—mind and heart, honor and excellence—never one without the other and never for ourselves alone. Because we know when gathered, our hearts and minds can love through any brokenness, [and] serve through any strife. We can resist violence and deny darkness. We can remain kind to ourselves and others. In that compassion is the strength that becomes a collective force that can transform the world, chart new paths, and break new ground,” sabi ni Bise-Tsanselor para sa Gawaing Pangmag-aaral, Louise Jashil Sonido sa kanyang pangwakas na pananalita.

Bise-Tsanselor Louise Jashil Sonido sa kaniyang pangwakas na pananalita. Larawan mula sa Facebook livestream.

Nagpamalas din ng talento ang iba’t ibang UP performing groups sa iba’t ibang parte ng programa. Ang UP Dance Company ay sumayaw sa saliw ng kantang “Paano Mahalin ang Katulad Mo” mula sa Lean the Musical na ginawan ng sariling bersyon ng Dez and Del kasama sina Joshua Kim at Luigi Del Rosario. Kasama ring nagbigay ng natatanging bilang ang UP Latin Team na nakamit ang kampeonato sa UAAP Season 85 Ballroom Formation Dance Competition at ang UP Streetdance Club na nakuha ang ikatlong pwesto sa UAAP Season 85 Streetdance Competition. Ang acapella group na ConChords naman ay nagtanghal habang ipinapakita ang listahan ng mga US at ang pag-awit ng UP Naming Mahal.

UP Dance Company, UP Latin Team, UP Streetdance Club, at UP Conchords sa kanilang mga pagtatanghal(L-R).
Larawan mula sa Facebook livestream.

Ang kabuuang programa ng Parangal sa Mag-aaral 2023 ay mapapanood sa mga Facebook page ng UP Diliman (https://www.facebook.com/OfficialUPDiliman) at OVCSA (https://www.facebook.com/ovcsa.upd). Maaari ring bisitahin ang link na ito (https://bit.ly/PSM23DigitalProgram) para sa birtwal na programa at kumpletong listahan ng mga estudyanteng nagtamo ng karangalan.