Kinikilala ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman ang mahalagang kontribusyon ng mga organisasyong mag-aaral sa buhay ng akademikong komunidad, sa paglalawak ng kaalaman, at para sa kinabukasan ng bansa. Isang makabuluhang paraan ng pagkilala sa papel na ito ay sa pamamagitan ng Parangal sa Samahang Mag-aaral, na ginanap noong ika-18 ng Hunyo.

Ngayong taon, anim na organisasyon sa UP Diliman ang ginawaran ng parangal. Narito ang mga pinarangalan:

UP Junior Music Educators’ Guild
TUNOGRAPIYA | Sining at Kultura

Ang Tunograpiya ay naglalayong higit pang paigtingin ang pagiging isang luntiang hingahan ng Unibersidad. Sa pamamagitan ng pakikinig sa kalikasan, at paglikha ng mga karanasang tunog kaakibat ang iba’t ibang disiplina, sumisigla ang kalusugang pangkaisipan ng mga bumibisita sa UP Diliman, lalo na ng mga miyembro ng komunidad.

UP Preschool Practitioners
Play-Based Learning Implementation | Edukasyon at Literasi

Sa pamamagitan ng proyektong “Play-Based Learning Workshop and Implementation,” nabigyan ang mga bata sa Little Ark Foundation ng mga mapag-aruga at masayang karanasan sa pagkatuto sa pamamagitan ng mga gawain sa pagbasa at kritikal na pag-iisip na nakabatay sa laro. Nilayon din ng proyektong ito ang makadagdag sa misyon ng nasabing foundation na magbigay sa mga batang pasyente ng holistikong pangangalaga at emosyonal na suporta sa kanilang paglalakbay sa paggagamot at paghilom.

The UP Repertory Company
From Play to Action: Development and Implementation of a Community-Based Theater and Collective Writing Module for the Youth of Brgy. Krus Na Ligas, Quezon City | Pagtataguyod ng Kapayapaan at Panlipunang Pag-unlad

Sa mga komunidad kung saan hindi naririnig ang boses at hindi naisasalaysay ang mga kwento, ang proyektong From Play To Action, ay nagbukas ng espasyo para sa mga kabataang Children at Risk at Children in Conflict with the Law sa Brgy. Krus Na Ligas upang magpahayag sa pamamagitan ng kolektibong pagsulat, pag-arte, at paggalaw. Nagtapos ito sa pagtatanghal ng Si Kira, ang Batang Krus Na Ligas, kung saan naging sentro ang kanilang mga karanasan at naging daluyan ang sining upang harapin ang mga isyung tulad ng kahirapan, hindi ligtas na tirahan, at kahinaan sa sakuna. Higit pa sa isang proyektong pansining, ito ay isang makabuluhang interbensyong panlipunan na nagpapalakas ng kumpiyansa at pagkakaisa.

UP Dragonboat Team
Sagwan School | Kalusugan, Isports, at Kagalingan

Ang University of the Philippines Dragonboat Team ay pinararangalan dahil sa natatanging ambag ng Sagwan School 2025, isang community-led initiative na ginamit ang dragon boat racing bilang makapangyarihang kasangkapan para sa kalusugan at panlipunang koneksyon. Sa pamamagitan ng anim na masinsinang training cycle sa loob ng taon, matagumpay na naisapubliko ng grupo ang isang “elite” na isport, na umabot sa 136 interesadong indibidwal at 95 aktibong kalahok na may direktang paggabay at teknikal na pagsasanay.

Ang people-first na pamamaraang ito ay hindi lamang nagturo ng pagsasagwan; nakatulong din ito sa paghubog ng tibay ng isip at disiplina, na nagbunga ng 29 na bagong kalahok na nagpatuloy sa regular fitness at 13 atleta na napabilang sa kompetitibong roster ng unibersidad. Sa suporta ng mga partners gaya ng Merrell at Manila International Container Terminal, nakabuo ang UPDT ng isang sustenableng grassroots system na sumusuporta sa mga kabataang aspirants habang pinapaliit ang agwat sa pagitan ng mataas na lebel ng athletics at tunay na serbisyo sa komunidad.

UP Delta Lambda Sigma Sorority
HERitage Market: A Celebration of Women Empowered Brands | Pagnenegosyo at Inobasyon

Kaugnay sa pagdiriwang ng Internasyunal na Buwan ng Kababaihan, inorganisa ng UP Delta Lambda Sigma Sorority ang HERitage Market, isang dalawang-araw na bazaar na matagumpay na nagkonekta sa mga prominenteng mga brand, mga creator, at negosyong pinangungunahan ng mga kababaihan. Nagbigay ang gawaing ito ng napakahalagang plataporma para sa mga kababaihang negosyante para maibahagi nila ang kanilang kakaibang mga kwento, maipamalas nila ang kanilang mga produkto, at makapagbukas ng isang propesyonal na komunidad na sumusuporta sa isa’t isa. Nakapagtala ang samahan ng 42 iba’t ibang merchant, kasama na rito ang mga likha ng Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa Quezon City Jail Female Dormitory (QCFED), gayundin ang Heritage Finds, Pinas Sadya, Hanap Habi, Balay Baler, Tradicion, Tahanan Pottery, Hiraya Lizan, TYMO PH, Bakebox, at Scenties Club.

UP Kalilayan
Tagisan 40 | Kalikasan at Pamamahala sa Panganib ng Sakuna

Ang Tagisan 40, na isa sa mga pangunahing proyekto ng organisasyon, sa nakaraang taon ay sumentro sa hindi pantay na epekto ng krisis sa pagbabago ng klima, partikular na pagtutuon ng pansin sa mga komunidad na pinakadirektang naaapektuhan ng malalang epekto nito. Kasama ang layuning makapagmobilisa ng mga kabataan para kritikal na makibahagi at makialam sa mga gawain at pagkilos para sa hustisyang pangkalikasan, nakapagtala ang samahan ng mahigit 500 estudyante mula sa 23 paaralan mula sa mga probinsya ng Quezon at Aurora, na lumahok sa Discussion Series at mga patimpalak tulad ng Quiz Show, Pagsulat ng Sanaysay sa Ingles at Filipino, Dagliang Talumpati sa Ingles at Filipino, Paggawa ng mga Poster (tradisyunal at digital). Film-Making Contest, Idea Generation at Gawa Parangal. Kasama sa tagumpay ng organisasyon para sa proyektong ito ang kanilang mga institutional partner at kung saan din nagmula ang ilang tagapagsalita sa mga panayam, tulad ng Greenpeace Philippines, Philippine Movement for Climate Change at YACAP Alliance.